PNP, AFP naka-heightened alert vs resbak ng Dawlah Islamiyah

Ayon kay Joint Task Force (JTF) Central Commander Major Gen. Juvymax Uy, nakaalerto ang kanilang tropa dahilan sa hindi malayong ipaghiganti ng Dawlah Islamiyah ang pagkamatay ng anim sa kanilang pu­wersa kabilang ang isang Amir ng naturang mga te­rorista.
via John Unson

MANILA, Philippines — Nakaalerto ngayon ang mga elemento ng pulisya at tropa ng mga sundalo sa posibleng ‘retaliatory attacks’ ng Dawla Islamiyah terrorists o resbak sa pagkakapatay ng Amir ng mga ito at limang kasamahan sa engkuwentro sa tropa ng militar sa Maguindanao noong Huwebes.

Ayon kay Joint Task Force (JTF) Central Commander Major Gen. Juvymax Uy, nakaalerto ang kanilang tropa dahilan sa hindi malayong ipaghiganti ng Dawlah Islamiyah ang pagkamatay ng anim sa kanilang pu­wersa kabilang ang isang Amir ng naturang mga te­rorista.

Si Kasim Karinda alyas Abu Asim ay Amir o mataas na lider ng Dawlah Islamiyah. Lima sa mga nasawi ay sa bakbakan sa Mamasapano at isa naman sa Shariff Saydona Mustapha na pawang sa lalawigan ng Maguindanao.

Noong madaling araw ng Huwebes ay nakasagupa ng Army’s 6th Infantry Battalion (IB) ang grupo ng Dawlah Islamiyah sa Brgy. Dabenayan, Mamasapano na ikinasawi ni Karinda at apat nitong tauhan.

Bago ito, noong Dis­yembre 1 ay napatay rin ng mga sundalo sa bakbakan ang Dawlah Islamiyah fighter na si alyas Adsam sa bayan ng Sha­riff Saydona Mustapha.

Ang Dawla Islamiyah ay sangkot sa pambo­bomba, extortion, cattle rustling o pagnanakaw ng mga alagang hayop at iba pang karahasan sa Central Mindanao.

Ayon kay Uy , inalerto na niya ang lahat ng units ng militar laban sa retaliatory attacks na tatak ng naturang teroristang grupo.

Sa tala ng militar, si Karinda ay pumalit sa puwesto ni Salahudin Hasan, ang lider ng Dawla Islamiyah na napatay sa engkuwentro sa mga sundalo noong Oktubre 29 ng taong ito sa Talayan, Maguindanao. Ang misis ni Hasan na si Jehana Minbida, Finance Officer ng naturang tero­ristang grupo ay napatay rin sa bakbakan.

Nagpapatuloy naman ang opensiba ng tropa ng pamahalaan laban sa nalalabi pang miyembro ng Dawla Islamiyah na namumugad sa Central Mindanao.

Show comments