MANILA, Philippines — Ipinagbabawal na ang pagpasok ng mga tao sa crater lake ng Bulkang Pinatubo sa Central Luzon matapos na magtala ng pagsabog sa bulkan, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) kahapon.
Ayon sa Phivolcs, naitala ng Pinatubo Volcano Network ang pagsabog nitong Martes ng hapon. Nairekord ang seismic at low-frequency sound signals ng mahinang pagsabog sa bulkan sa pagitan ng alas-12:09 at 12:13 ng hapon.
Gayunman, sinabi ni Phivolcs director Renato Solidum na sa kabila na may phreatic explosion na naganap sa bulkan nitong nagdaang araw, wala naman silang nababanaagan na posibleng malakihang pagsabog ng bulkan.
Ayon kay Solidum na wala rin silang nakikitang palatandaan ng may magaganap na malawakang pagsabog sa bulkan gaya ng nangyari noong 1991 at 1992.
“Nung 1991 at 1992 may umakyat talagang magma na umabot sa ibabaw at nung 1991, isinabog ng masyadong malakas. Dito sa nangyayari, wala pang umaakyat na magma tayong naitatala sa kadahilanang ang mga lindol ay masyadong malalim pa ng mga 10 kilometers or below,” sabi ni Solidum.
Aniya, ang kasalukuyang aktibidad ng bulkan ay dulot ng shallow hydrothermal processes beneath the edifice kaya’t may mababang seismic activity sa bulkan.
Sa nagdaang mga araw ang Bulkang Pinatubo ay nagpakita ng volcanic CO2 flux sa may crate lake nito.