Bocaue at Balagtas Stations ng PNR Clark Phase 1, ininspeksyon ng DOTr

MANILA, Philippines — Nagtungo si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa Bulacan kahapon upang inspeksyunin ang Bocaue at Balagtas Stations ng Philippine National Railways (PNR) Clark Phase 1 (Tutuban-Malolos).
Ayon kay Tugade, nais niyang matiyak na right on track at pasok sa timeline ang konstruksiyon ng naturang proyekto.
Nabatid na sa kasalukuyan ay 90% nang kumpleto ang Balagtas Station, habang 23.90% naman ang physical overall progress ng Bocaue Station.
Ang PNR Clark Phase 1 ay parte ng North-South Commuter Railway.
Mayroon itong 10 istasyon na babagtas sa mga lungsod ng Maynila, Caloocan, at Valenzuela, gayundin sa mga munisipalidad ng Meycauayan, Marilao, Bocaue, Balagtas, Guiguinto, at Malolos City.
Ani Tugade, sa sandaling makumpleto ang nasabing Tutuban-Malolos rail line ay nasa 300,000 na bilang ng pasahero ang makikinabang dito araw-araw.
Inaasahang magiging 30 minuto na lamang ang biyahe mula Malolos City, Bulacan patungong Tutuban sa Manila mula sa kasalukuyang isang oras at 30 minuto.
Una nang dumating sa bansa ang unang 8-car train set ng PNR Clark segment ng massive PNR North South Commuter Railway (NSCR), at nakatakda na itong ideliber sa kanilang Malanday Depot ngayong Disyembre.
- Latest