LUCENA CITY, Philippines — Maghaharap ng kasong plunder o pandarambong ang siyam na miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon laban sa mga opisyales ng Pamahalaang Panlalawigan sakaling ituloy nila ang pagpapalabas at paggamit sa 2021 Annual Budget ng probinsya.
Ayon sa 9 na miyembro ng Sanggunian sa pangunguna ni Majority Leader Bokal Sonny Ubana, gagawin nila ang pagsasampa ng kaso sa hukuman laban kina Gov. Danilo Suarez at mga department heads ng kapitolyo sa oras na gamitin ng mga ito ang annual budget kahit hindi pa nareresolba sa hukuman ang usapin hinggil dito.
“Nasa pagpapasya na ni Gov. Suarez kung itutuloy niya ang paggamit sa annual budget kahit nagsampa na kami ng petisyon sa mga hukuman upang linawin ang legalidad nito. Kung itutuloy niya kami naman ng walo kong kasamang Bokal sa Majority Bloc ay magsasampa ng kasong plunder laban sa kanya at kanyang mga department heads na susunod sa mga utos niya para ma-release at magamit ang budget,” wika ni Ubana.
Matatandaan na ang panukalang 2021 Annual Budget ay hindi inaprubahan ng mga miyembro ng Majority Bloc ng panlalawigang konseho dahil sa anila’y pagiging depektibo at kwestyonable nito.
Gayunman, kamakailan lamang ay inaprubahan din ito ng apat na mga Bokal na binubuo ng Minority Bloc sa isang special session makaraan na ang walong Bokal ay sinuspinde ng Office of the President sa pamamagitan ng Department of Interior and Local Government o DILG.
Bilang reaksiyon, ang mga nasuspindeng Bokal ay nagharap ng petition sa husgado dahil sa anila’y ilegal na pagdaraos ng dalawang special session ng apat na Bokal at ng Vice-Governor at ilegal na pag- aapruba ng mga ito sa annual budget para sa 2021 at 2022.
Subalit sa kabila nito, pinaninindigan ng gobernador na legal ang ginawa ng mga kaalyado niya sa konseho. Agad din siyang nag-anunsyo sa publiko na itutuloy niya ang paggamit sa pondo at nangako sa mga kinauukulan na kanila na itong mapapakinabangan sa lalong madaling panahon.