TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Matapos ang halos dalawang araw na paghahanap, kapwa patay na nang matagpuan ang dalawang bata na unang napaulat na nahulog at nilamon ng ilog sa Cagayan.
Kinilala ang dalawang biktima na sina Mark Anthony Tuppil, 13, at Vince Nino Narag, 12, kapwa residente ng Barangay Atulayan Sur sa lungsod na ito.
Ayon sa impormasyon na natanggap ng Task Force Lingkod Cagayan (TFLC), ang dalawang menor-de-edad ay kapwa nahulog sa Cagayan River at tuluyang naanod noong Biyernes ng hapon.
Kamakalawa ng umaga ay unang natagpuan ng mga miyembro ng TFLC ang Bangkay ni Tuppil sa ginagawang soil protection project sa bahagi ng Barangay Bagay habang ang bangkay ni Narag ay nakitang nakalutang sa bahagi ng Barangay Babayuan, Amulung, limang oras ang nakakalipas.
Lumalabas na ang dalawang bata na magkapitbahay ay nagpasya na lumabas para maghanap umano ng gagamba pero hindi na nakabalik sa kanilang tahanan.