CAGAYAN, Philippines — Dead on the spot ang isang driver ng local government unit (LGU) nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang lalaki sa bayan ng Tuao sa lalawigang ito, ayon sa ulat kamakalawa.
Kinilala ng Tuao-PNP ang nasawing biktima na si Jeffrey Cuaresma, 44, residente ng Barangay Bulagao sa nasabing bayan.
Ayon sa ulat, kararating lang umano ng biktima sa kanyang tirahan, sakay sa kanyang motorsiklo, nang paulanan ng bala ng dalawang kalalakihan na kapwa nakasuot ng face mask, helmet at itim na jacket na lulan din ng motorsiklo.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagtamo ng 19 na tama ng bala ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Narekober naman sa crime scene ang 23 piraso ng basyo ng caliber 9mm, 8 basyo ng bala mula caliber 45 at tatlong deformed slug na iba pang mga bala.
Dahil dito ay agad na inatasan ni P/COL Renell Sabaldica, police provincial director ng Cagayan ang Provincial Investigation Unit na bumuo ng special task force para resolbahin ang magkasunod na insidente ng pamamaril sa nasabing bayan.
Matatandaan na nitong Nobyembre 15 lamang ay pinagbabaril din at napatay ng hindi pa natutukoy na suspek ang negosyanteng si Nick Gannaban, residente rin sa nasabing bayan.