BANI, Pangasinan, Philippines — Kapwa nasawi ang isang mag-ama matapos silang makuryente sa kanilang sakahan nang aksidenteng maapakan ng anak ang live wire kahapon ng hapon sa bayang ito.
Kinilala ang mga nasawi na sina Joey Ortaleza, 56-anyos at anak na si Mark Ortaleza, 21-anyos, kapwa residente sa Brgy. Dakap Sur, ng nasabing bayan.
Sa imbestigasyon ng Bani-PNP, nagtungo ang mag-ama sa kanilang sakahan nang biglang mahawakan ng batang Ortaleza ang kable sa kanilang pumping station na siyang ginagamit nila sa pagpapatubig.
Dito, nagkikisay ang biktima sanhi ng malakas na boltahe ng kuryenteng pumasok sa katawan at nataranta naman ang matandang Ortaleza nang makita ang anak na nagkikisay kaya agad niya itong hinawakan para tulungan, subalit maging siya ay nakuryente rin.
Nagawa pang dalhin sa ospital ang mag-ama pero dineklara na rin silang patay.