CAMP OLIVAS, Pampanga, Philippines — Isang dating barangay chairman sa Tarlac ang binaril muna bago dinukot ng mga armadong lalaki na sakay ng van sa Barangay Sto. Niño. Concepcion, Tarlac, kamakalawa.
Sa ulat na nakarating kay P/Col. Jonas Amparo, Deputy Regional Director for Operations, kinilala ang biktima na si Benigno Manabat, 73, residente ng Barangay Sto. Niño at dating barangay captain.
Sa ulat, ang biktima ay sakay ng kanyang Honda Civic at nang bumaba ng kotse para buksan ang gate ng kanilang bahay ay sumulpot ang isang van na lulan ng mga suspek at pinagbabaril ang una.
Bumaba ang sakay ng van at puwersahang tinangay ang biktima at pagkatapos ay mabilis na tumakas patungong Norte.
Nakarekober ang mga pulis ng basyo ng bala ng kalibre 45 baril sa crime scene. Nagsasagawa na ang pulisya ng follow-up operation at hiniling ang Oplan Kandado at pag-alarma sa kalapit na lalawigan.