MANILA, Philippines — Nasakote ng mga otoridad ang tatlong lalaki na umano’y pinagnakawan ang isang supermarket at natangay ang nasa P14,000 paninda sa Silang, Cavite, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang tatlong suspek na sina Alison Ngina Aligan, 27, obrero ng West Quirino Hill, Baguio City; Brylle Basingan Bawingan, 28, ng Brgy. Cypres, Irisan, Benguet, at Jay Ar Dabudab Quitoyan, 31, obrero, ng Purok 28 Upper Irisan, Benguet, habang nakatakas si Yangki Nagpaas, ng Baguio City.
Sa ulat, alas-3:30 kamakalawa ng umaga nang puwersahang pasukin ng mga suspek ang supermarket ng Brgy. Tartaria, Silang Cavite branch kung saan inilabas ang isang case ng mamahaling alak na nagkakahalaga ng P4,410.00; isang gas stove na 2 burner na nagkakahalaga ng P1,999.00; 1 case ng alak na nagkakahalaga ng P4,368.00; at isang case ng Alfonso platinum na nagkakahalaga ng P4,116.09 o kabuuang halaga na P14,893.
Bago pa man tuluyang nakapuslit ang mga suspek ay napuna ito ng perimeter guard na si Ryan Fernandez at humingi ng tulong sa pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlo sa kanila at pagkakabawi ng mga ninakaw na paninda.