MANILA, Philippines — Patay ang isang babaeng senior citizen nang tumaob ang sinasakyan nitong motorbanca sa Gato Island at Garrasa Island sa Daanbantayan,Cebu na kung saan nasagip ang 52 katao.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) Sub-Station Daanbantayan na sila ay nakatanggap ng ulat mula Mercury motorbanca hinggil sa aksidente kung saan sakay nito ang 46 pasahero at 7 crew.
Agad namang rumesponde PCG Sub-Station Malapascua, at PCG Sub-Station Daanbantayan sa baybayin upang sagipin ang mga pasahero.
Nagmula ang motorbanca sa Barangay Poblacion, Daanbantayan patungong Carnasa Island at umalis nang walang PCG clearance.
Sa kanilang paglalakbay sa bisinidad ng katubigang Gato Island naging masama ang lagay dagat kung saan pinasukan ng tubig ang harapang bahagi ng motorbanca dahil sa maalon na nagresulta para ito ay tumaob.
Ang mga nagdaraang motorbanca ay tumulong na rin na sagipin ang mga pasahero at ibiniyahe ang 52 survivor na kung saan tatlo naman rito ang sugatan at isinugod sa Daanbantayan District Hospital para mabigyan ng lunas.
Dinala naman sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Evacuation Center ang 49 pasahero para sa kaukulan pang tulong habang ang isang babaeng senior citizen na namatay ay dinala sa Maya Port.