MANILA, Philippines — Inilipat ngayong araw si Police Regional Office 3,commander Gen.Valeriano de Leon,bilang hepe ng Civil Security Group matapos ang sunud-sunod na tagumpay ng malalaking operasyon ng droga sa Central Luzon.
Papalitan ni Gen. De Leon si BGen Ferdinand Daway na magreretiro na sa serbisyo. Habang si Eastern Police District (EPD) Director PBGen Matthew Baccay ang papalit kay De Leon sa PRO3.
“Napalapit na sa puso ko ang PRO3, pero kami ay may sinumpaang tungkulin na kung saan kami ilagay kami ay dapat na sumunod,” ani Gen. De Leon.
Si Gen. De Leon ay napabalitang kasama sa shortlist ni Pang. Duterte na papalit kay PNP chief PGen Guillermo Eleazar na magreretiro na ngayong Nobyembre. “Malaking karangalan na mapasama sa nasabing listahan dahil magagaling lang ang pinipili ng pangulo na magiging PNP chief,” dagdag ng heneral.
Nakilala si De Leon dahil sa ginawa nito na contactless transaction ang pagkuha ng lisensiya ng baril at inalis ang fixer noong siya ang hepe ng Firearms and Explosive Office.