GUIGUINTO, Bulacan, Philippines — Dead-on-the- spot ang truck driver at kanyang pahinante matapos na sumalpok ang minamanehong truck sa pader ng isang supermarket, naganap, kamakalawa sa Brgy. Sta. Cruz ng bayang ito.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng driver ng Canter truck na naglalaman ng mga tinabas na kahoy at kanyang pahinante.
Sa ulat, nangyari ang insidente, ala-1:03 ng hapon sa harapan ng isang supermarket sa nasabing barangay.
Hinala ng pulisya na posibleng nawalan ng preno ang truck at ibinangga na lang ito ng driver sa pader ng supermarket upang wala nang madamay pang ibang tao.
Mabilis namang rumesponde ang Guiguinto rescue para isalba sa pagkakaipit ang driver at pahinante, subalit sa kasamaang palad ay kapwa binawian ng buhay ang mga ito kalaunan.
Base sa kuha ng CCTV nanggaling ang truck mula sa mataas na bahagi ng Tabang bridge na paiwas-iwas sa mga sasakyan at mga tao hanggang sa sumalpok sa pader.