MANILA, Philippines — Lumubog sa baha ang ilang bayan sa lalawigan ng Bulacan dala ng bagyong Maring na sinabayan pa ng pagpapakawala ng tubig ng Bustos Dam at high tide.
Dakong ala-1:00 ng madaling araw kahapon nang magsimulang tumaas ang tubig sa mga coastal area sa Bulacan partikular na sa mga bayan ng Obando, Bulakan, Hagonoy, Paombong at Calumpit dahil sa hightide na may taas na 4.3 feet.
Maging ang mga bayan na hindi naman itinuturing na coastal area tulad ng bayan ng Balagtas, Marilao, Bocaue at siyudad ng Meycauayan ay hindi pinatawad ng baha.
Sa tala ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (Bul.PDRRMO), nasa apat na libong pamilya mula sa mga nabanggit na coastal town ang inilikas sa iba’t-ibang evacuation center sa lalawigan.
Sinabi naman ni Edgardo Cruz, gate keeper/operator ng Bustos dam na nagpakawala sila ng tubig sa North at South gate ng Bustos dam upang maiwasan ang pag-apaw at upang hindi nito maabot ang spilling level ng dam.
Aniya, dahil sa walang tigil na pagbubos ng ulan sa itaas ng watershed area ng dam at posibleng pagpapakawala rin ng tubig ng Angat at Ipo dam ang dahilan ng pagbabawas nila ng lebel ng tubig sa nasabing dam.