MANILA, Philippines — Nag-iwan ng ilang casualties, pinsala at mga lumikas na pamilya ang bagyong "Lannie" sa paglabas nito ng Philippine area of responsibility, pagbabalita ng pamahalaan.
Dalawa ang binawian ng buhay kaugnay ng bagyo, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Huwebes. Gayunpaman, "for validation" pa raw ito.
Related Stories
Umabot na sa 8,048 katao mula MIMAROPA at Western Visayas ang naapektuhan ng naturang sama ng panahon, dahilan para sumilong muna sa pitong evacuation centers ang nasa 179 katao.
Bandang 5 a.m. ng Miyerkules nang makalabas ng PAR ang bagyo, na siyang nagdala ng mga pag-ulan at pagtataas ng signal no. 1 sa sari-saring bahagi ng Pilipinas.
Milyun-milyong pinsala
Aabot sa 942.03 ektaryang lupain ng mga pananim ang nadali ng naturang bagyo sa Region VI.
Dahil dito, sumampa na sa 12.22 milyon ang pinsalang naitamo ng bagyong "Lannie" sa agrikultura sa ngayon.
Maliban pa riyan, aabot sa 19 kabahayan ang na-damage, doon pa rin sa Western Visayas:
- bahagyang pinsala (16)
- wasak na wasak (3)
Matapos manalasa ng bagyong "Lannie," isang low pressure area (LPA) naman ang binabantayan sa labas ng PAR. Nasa layo itong 1,085 kilometro silangan ng Visayas kaninang 3 a.m., ayon sa ulat ng PAGASA.
"Inaasahan po nating papasok ito sa ating Philippine area of responsibility ngayng araw," ani Aldczar D. Aurelio, weather specialist ng PAGASA.
"May posibilidad po itong maging bagyo. Ang susunod na pangalan nitong bagyo ay Maring."
Nakakaapekto pa rin naman ngayon sa bansa, partikular sa Luzon at Visayas, ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ). — James Relativo