PALAUIG, Zambales, Philippines — Tatlong katao ang naiulat na namatay kabilang ang isang 2-anyos na batang babae matapos tamaan sila ng kidlat habang nasa dalampasigan ng isang beach resort sa Barangay Locloc, ng nasabing lugar, kamakalawa.
Sa ulat na nakarating kay Col. Romano Cardino, Zambales Police Provincial director, kinilala ang mga nasawing sina Jake Generalo, 28; John Daryl Generalo, 15; at Princess Generalo, 2, kapwa mga residente ng nasabing bayan.
Ayon kay Cardino, alas-4:30 ng hapon ay kasama ng mga biktima ang kanilang mga kaanak sa picnic at paliligo sa beach nang biglang umulan ng malakas at kasunod noon ay isang kidlat.
Nagtago ang mga biktima kasama ang mga kaanak sa ilalim ng pine tree nang aksidente silang tamaan ng kidlat.
Ang tatlo ay mabilis na dinala sa Provincial Hospital sa Iba, Zambales, subalit idineklarang dead-on-arrival.