Tatay, nairita sa iyak…
COTABATO CITY - Karumal-dumal ang sinapit na kamatayan ng isang 3-buwan sanggol nang hatawin ng bote ng gatas ng kanyang sariling ama kamakalawa ng gabi sa lungsod na ito.
Agad namang naaresto ang suspek at ama ng sanggol na si Mucher Repalda Flores, 20, at residente ng Tamse Road, Brgy. Poblacion 4, Cotabato City.
Ayon kay Cotabato City Police Office (CCPO) Police Precinct-2 commander Major Elexon Bona, naganap ang insidente dakong alas-9:00 ng gabi sa loob ng tahanan ng mag-ama.
Batay sa imbestigasyon, natutulog ang suspek at kinakasama nito nang magising ang una sa iyak ng sanggol.
Tinimplahan ng suspek ng gatas ang sanggol subalit patuloy pa rin ito sa pag-iyak na ikinairita nito kaya’t pinaghahampas niya ng bote ng dede ang mukha ng anak hanggang sa nagmistulang talong ang kulay at nawalan ng malay.
Agad naman niyang ginising ang kinakasama at sinabing napatay nito ang kanilang anak.
Humingi naman ng tulong sa mga otoridad ang ina ng bata na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article 246 of Revised Penal Code parricide.