SAN ISIDRO, Nueva Ecija , Philippines — Inaresto sa isinagawang drug buy-bust operation ang 28-anyos na dalaga makaraang mabilhan umano ng otoridad ng halos P270,000 na halaga ng hinihinalang shabu sa Barangay Poblacion, noong Sabado ng hapon.
Kinilala ni P/Col. Rhoderick Campo, officer-in-charge ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO), ang nahuling suspek na si Lorena Cebuano, alyas “Tomboy”, ng Barangay Mabini Homesite, Cabanatuan City.
Ayon sa ulat, ala-1:40 ng hapon ay nagsagawa ng buy-bust operation sa naturang lugar ang sanib-puwersa ng San Isidro Police at Provincial Intel Unit ng NEPPO, sa pakikipagkoordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency – Regional Office (PDEA-RO3).
Nabilhan umano ng police poseur-buyer ang suspek ng dalawang pirasong plastic sachet ng umano’y shabu kapalit ng P500 bill ‘marked money’ at sa puntong iyon ay agad na inaresto ang suspek.
Kinapkapan ang suspek at nakuha pa sa kanyang pag-iingat ang siyam pang pirasong plastic sachet ng hinihinalang shabu.
Ayon kay Col. Campo, aabot sa 55 gramo ang timbang ng nakuhang 11-sachet ng umano’y shabu na aabot umano sa halagang P266,750.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa sections 5 and 11, article II ng RA 9165 o mas kilala sa Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002.