2 pulis timbog sa tupada

MATI CITY, Davao Oriental, Philippines — Arestado ang dalawag pulis at isang sibilyan nang  salakayin  ng mga otoridad ang tupada sa Barangay Dahican sa Mati City, Davao Oriental noong Linggo ng umaga.

Kinilala ang mga pulis na  sina P/Corporal Linwell Salvaña at P/Staff Sergeant John Declem Soriano, kapwa nakatalaga sa Provincial Intelligence Unit sa Davao Oriental Police Provincial Office at sibilyan na  si  Noel Escasinas na umano’y kapatid ng  isang  barangay chairman.

Lumilitaw na dakong alas-9:00 ng umaga noong Linggo nang  salakayin ng mga otoridad matapos na makatanggap ng  reklamo na may  iligal na sabong o tupada ang nagaganap sa lugar.

Pagdating sa lugar, inabutan ng mga pulis ang mga sumisigaw na sabu­ngero habang naglalaban ang mga manok.

Mabilis na nagpulasan ang mga sabu­ngero nang makita ang raiding team hanggang  sa makalawit ang  dalawang pulis at sibilyan.

Narekober sa lugar ang tatlong panabong na manok, mga tari, at perang nagkakahalaga ng P170.

Ayon sa mga otoridad, mahigpit na ipinagbabawal ang  sabong o tupada dahil na rin sa banta ng  COVID-19.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Presidential Decree 449 o ang Cockfighting Law of 1974 laban sa dalawang pulis at kay  Escasinas.

Show comments