CAVITE, Philippines — Tadtad ng saksak at wakwak ang leeg nang matagpuan ang isang 78-anyos na guwardya matapos umanong katayin ng isang kapwa senior citizen sa Brgy. Kaong, Silang, Cavite kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Eugenio Barona Enrique, residente ng Sitio Ibayong Ilog, Brgy Kaong, Silang, Cavite.
Isang senior citizen din ang inaresto ng pulisya na nakaaway umano ng biktima at siyang kumatay dito na nakilalang si Francis Reyes Natanauan, 67 anyos, residente rin sa nasabing lugar.
Sa imbestigasyon ni Pat. Menervin M. Castillo, dakong alas-6 ng gabi nang matagpuan ang duguang katawan ng biktima habang nakahandusay at tadtad ng saksak at wakwak pa ang leeg nito.
Ayon sa ilang saksi, ang suspek umano ang huling kausap ng biktima kung saan nagtalo pa umano ang dalawa.
Nang arestuhin, umamin umano ang suspek na siya ang gumawa ng krimen. Hindi pa malinaw ang motibo sa ginawang pagpatay sa biktima.