MANILA, Philippines — Mahigit P422 milyon ang iniwang pinsala ng bagyong Kiko sa probinsya ng Batanes.
Ito ang kinumpirma ni Governor Marilou Cayco at sa inisyal na pagtaya, kabilang sa mga naging pinsala ay ang mga tahanan na nasa P38.9 milyon, mga imprastraktura na nasa P237 milyon, P119 milyon naman para sa agrikultura at P32 milyon mga nasirang poste.
“Sa 310 km/h na bugso ng hanging napakalawak ng pinsalang idinulot ng supertyphoon sa aming probinsya. Just imagine, yung isang container van inilipad at napunta sa bubong ng DepEd,” sinabi ni Cayco sa panayam sa radyo.
Sa kabila ng iniwang pinsala, pasalamat pa rin umano ang probinsya dahil walang naitalang nasawi dito bagama’t mayroong 27 nasaktan at 56 nawalan ng tirahan.
Patuloy pa rin ang assessment ng pamahalaang panlalawigan at magbibigay ng kumpletong detalye sa oras na matapos na ito.
Nananawagan naman ng tulong ang probinsya para sa bigas, kahoy at yero upang makapagsimula ulit ang kanilang mga residente.