‘War on drugs’ sa Region 3, mas pinatindi: Drug lords at ‘tulak’ pinatutugis ni Gen. De Leon
MANILA, Philippines — Ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) Region 3 Director Brig. Gen. Valeriano de Leon sa lahat ng pulisya sa Central Luzon na tugisin at arestuhin ang lahat ng sangkot sa droga, maliit man ito o malaking “isda.”
Ang kautusan ay ibinaba ni Gen. de Leon noong Sabado kasunod ng ginawang pagpatay ng mga ‘di kilalang salarin sa dalawang anti-narcotics police ng Nueva Ecija noong Biyernes ng gabi.
“Hinala namin, mga drug lords ang nasa likod ng pagpatay sa dalawa naming pulis,” ayon kay Gen. De Leon.
Sa report, dead-on-the spot sina P/Staff Sgt. Allan Capinpin at P/Staff Sgt. Aries Dichoso sa bakuran ng bahay ni Capinpin matapos paulanan ng bala ng ilang armadong kalalakihan sa Antorium Street, Barangay Magsaysay Sur, Cabanatuan City pasado alas-10 ng gabi noong Biyernes.
Ayon kay De Leon, may hinuli na tatlong bigtime drug dealer sina Capinpin at Dichoso, isang araw bago sila pagbabarilin at paslangin.
Malaki ang kutob ng heneral na mga drug lords ang nagpapatay sa dalawang pulis.
Matapos naman ang all-out war order ni De Leon laban sa droga sa Region 3, tatlo ang agad nilang naaresto sa Gerona, Tarlac, kabilang ang isang pulis na si Cpl. Geymar Orquero, nakatalaga sa Tarlac City Police Station.
Sampung sachet ng shabu ang nakuha kay Orquero at mga kasamang sina Marvin Gadia, at Joel Umagat.
“Kabaro ka man o hindi, kung involved ka sa droga…game over ka na,” babala ni De Leon.
Samantala, mariing kinondena ng pamunuan ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) ang ginawang pamamaril at pagpatay sa dalawa nilang miyembro.
Sa inilabas na pahayag ng NEPPO, kinondena “in the strictest sense” ni P/Col. Rhoderick Campo, officer-in-charge ng NEPPO ang nangyaring “twin-killing’ kina Staff Sgts. Capinpin at Dichoso na kapwa miyembro ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Cabanatuan City Police.
Ayon kay Campo, isang special investigation task group na ang kanilang binuo sa kanilang case conference kasama ang mga hepe ng pulisya noong Sabado ng umaga para sa malalimang imbestigasyon sa pagpatay sa dalawang pulis.
- Latest