TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Nasa 32 na panibagong kaso ng COVID-19 Delta variant ang naitala sa Cagayan Valley o Region 2, ayon sa ulat ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) kamakalawa.
Batay sa report na natanggap ng RESU mula sa Department of Health (DOH) Central Office, ang karagdagang 32 Delta cases sa rehiyon ay batay sa mga samples na sinuri noong ika-25 at 26 ng Agosto.
Sa nasabing bilang, pinakamataas ang kasong nailista sa Isabela na kinabibilangan ng Santiago City, 5; tig-2 sa mga bayan ng Aurora, Jones, San Mateo; habang tig-isa sa mga bayan ng Tumaunini, Roxas, Alicia at Ilagan City.
Sampung katao ang tinamaan ng Delta variant sa lalawigang ito na nagmula sa Tuguegarao City, 7; Allacapan, dalawa at Tuao, isa.
Ang Nueva Vizcaya ay nakapagtala rin ng limang kaso (dalawa sa Bagabag, tig-iisa sa mga bayan ng Bambang, Quezon at Dupax del Norte). Dalawang kaso rin ang naitala rin sa Cabaroguis, Quirino habang nananatiling Delta variant free ang lalawigan ng Batanes.
Dalawa sa mga pasyente ng Delta variant ang nasawi habang ang 30 ay fully recovered na at natapos na rin nila ang kanilang mga quarantine period.
Sa kasalukuyan, nasa 7, 500 na ang aktibong kaso ng COVID-19 sa buong rehiyon; 75,000 ang confirmed cases habang 2,165 dito ang nasawi.