19-anyos lumabag sa protocol ni-rape ng pulis at marshal
Sinita at hinuli sa border checkpoint
MARIVELES, Bataan, Philippines — Arestado ang isang pulis at isang marshal team leader na kapwa nakatalaga sa isang border checkpoint matapos ireklamo ng isang 19-anyos na babae na kanilang hinuli dahil sa paglabag sa quarantine protocols at minolestya sa Barangay Batangas, Mariveles ng lalawigang ito kamakalawa.
Sa report ng Mariveles Police, ang biktima na itinago sa pangalang “Susan” ay nagsampa na ng kasong rape at acts of lasciviousness laban sa dalawang suspek.
Nasa kustodya na ng pulisya ang mga suspek na kinilalang sina P/Patrolman Elmer Tuazon, 25-anyos, may asawa at residente ng San Pablo, Malolos City, Bulacan at Armando Dimaculangan, 53-anyos, may asawa at marshal team leader sa quarantine control checkpoint sa nasabing lugar.
Ayon sa inisyal na ulat, naka-duty ang dalawang suspek sa border checkpoint bandang alas-7 ng umaga kamakalawa nang kanilang sitahin ang biktima at bigyan ng parusang community service dahil sa umano’y paglabag sa quarantine protocol.
Gayunman, dinala ang biktima sa boading house ni Tuazon at doon unang minolestya umano ni Dimaculangan sa pamamagitan ng paghimas at paglamas sa dibdib ng nasabing babae.
Sa tagpong iyon, pinalabas naman ni Tuazon si Dimaculangan sa boarding house nito saka sumunod na pagsamantalahan ang biktima. Pilit umanong pinasubo ng nasabing pulis ang kanyang ari sa biktima na walang nagawa kundi sumunod dahil sa matinding takot.
Nang palayain ang biktima ay dito na siya naglakas ng loob na magreklamo sa himpilan ng pulisya kaya agad na dinakip ng mga awtorirad ang dalawang unipormadong suspek.
- Latest