‘Tulak’ sa Bicol todas sa buy-bust
NAGA CITY, Camarines Sur, Philippines — Bulagta ang isang hinihinalang drug pusher sa Bicol matapos umanong manlaban sa mga pulis sa ikinasang buy-bust operation laban sa kanya sa kahabaan ng nursery road sa Zone-1, Brgy. Carolina ng lungsod na ito kamakalawa ng gabi.
Agad rumesponde ang health and rescue team ng Naga City Hospital at isinugod sa pinakamalapit na pagamutan pero idineklarang patay ang suspek na kinilalang si Ryan Mancera Nolasco, 36, binata, isang high value individual ng Brgy. Sto. Tomas, Magarao at may malawak na operasyon ng pagtutulak sa mga lalawigan ng Camarines Sur at Albay.
Una umanong nakulong at nakalabas sa piitan noong 2017 ang suspek dahil sa droga na kinukuha ang suplay sa Metro Manila.
Sa ulat, pumayag na makipagtransaksyon ang suspek sa poseur buyer kaya agad bumuo ng team ang mga pulis mula sa Regional Drug Enforcement Unit 5, Special Operation Unit 5 at Station 4 ng Naga City Police.
Dakong alas-9:45 ng gabi ay inilatag ang buy-bust operation laban kay Nolasco. Nang magkaabutan ng droga at sumenyas ang poseur buyer ay nakahalata ang suspek at bumunot ng baril sa kanyang sling bag kaya pinutukan na siya ng mga operatiba na nagresulta ng kanyang agarang pagkasawi.
Nakuha mula sa napatay na suspek ang isang bungkos ng plastic bag na may lamang shabu na tumitimbang ng 100-gramo at may street value na P680,000 at isang kalibre 45 na baril.
- Latest