Ginagawang gusali gumuho, 4 obrero nasugatan
DASMARIÑAS CITY, Cavite , Philippines — Apat obrero ang nasugatan nang gumuho ang pader ng ginagawa nilang gusali kamakalawa ng hapon sa Brgy. Paliparan 3,ng lungsod na ito.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na kasalukuyan ngayong mga inoobserbahan sa Pagamutan ng Dasmariñas na sina Ricardo Juvida, 47;Richard Serrano,34;Allan Vales, 24; at Rolly Villa, 32, pawang mga stay in construction workers ng Wemart Construction.
Sa nakalap na ulat mula kay PSSg Richard F Domingo, may hawak ng kaso,alas-2:50 ng hapon nang maganap ang insidente kung saan kasalukuyang nagtatrabaho ang mga biktima kasama ang mga iba pang construction workers nang biglang gumuho ang isang bahagi ng tinatayong gusali at nadaganan ang mga biktima.
Agad na nagtulong tulong ang mga obrero upang maialis sa pagkakadagan ng mga bato ang 4 na biktima at itinakbo sa pagamutan.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, napag-alaman na walang kaukulang permit sa city hall kaya’t nakatakdang sampahan ng kaso ang contractor ng nasabing ginagawang gusali.
- Latest