MANILA, Philippines — Patay ang isang barangay tanod habang malubhang sugatan ang kaibigan nito na magpapabakuna lamang nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek kahapon ng umaga sa Pikit, Cotabato.
Dead-on-the-spot si Rasul Samad, 33, may asawa, miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) habang ginagamot sa ospital si Michael Ibrahim, 24, binata at mga residente ng Barangay Inug-ug, Pikit, Cotabato.
Batay sa report ng Pikit Police, minamaneho ni Samad ang motorsiklo angkas si Ibrahim patungong bayan para magpabakuna laban sa Covid-19 pero pagsapit nila sa Barangay Dalingaoen, Pikit ay bigla na lamang silang tinambangan at pinagbabaril ng mga armadong kalalakihan.
Tinamaan sa ulo at iba pang parte ng katawan si Samad na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan habang mabilis na isinugod sa ospital si Ibrahim dahil sa tama ng bala mula sa .45 kalibre na baril sa katawan.
Matapos ang krimen, mabilis na tumakas ang mga suspek.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya kung saan personal na alitan ang isa sa mga tinitignang motibo sa krimen.