NORTH COTABATO, Philippines – Patay ang isang pinaniniwalaang miyembro ng kulto habang nakapuga ang pitong bilanggo kabilang ang lider ng kanilang grupo matapos lusubin ang Davao Oriental Provincial Jail at magkabakbakan sa Purok Maliga, Barangay Sainz ng lungsod ng Mati, dito, noong Sabado ng hapon.
Sa ulat ng Mati Police, nasa 25 na armadong miyembro ng “Panatikan”, isa umanong organisasyong pangrelihiyon, ang umatake sa nabanggit na pasilidad dakong alas-2:00 ng hapon upang “i-rescue” ang kanilang pinuno at mga kasamahan na nakapiit sa nasabing bilangguan.
Nagkaroon ng engkuwentro sa loob ng kulungan sa pagitan ng mga umatakeng grupo at rumespondeng mga pulis at sundalo.
Isa sa mga miyembro ng nasabing kulto ang nasawi sa bakbakan na kasalukuyang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan.
Gayunman, matagumpay na naitakas ng grupo ang kanilang lider na kinilalang si Cornelo Galon III na may kinakaharap na kasong paglabag sa Presidential Decree 1866 at Republic Act No. 9516 o “Unlawful manufacture, sales, acquisition, disposition, importation or possession of an explosive or incendiary device.”
Naitakas din ng armadong grupo ang mga kasamahang preso na sina Dominador Lintuan, Laudeco Lintuan, Sugaan Gil, Arjowe Lintuan, Ranjay Baluro at Inabitan Ismadi na may iba’t ibang kasong kinasasangkutan.