NORTH COTABATO - Dead-on-the-spot ang isang dalagita matapos salpukin ang sinasakyan nitong motorsiklo ng isang pickup habang binabagtas ang national highway sa Barangay Pulanglupa, Mlang ng lalawigang ito, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Almie Nicole Elola, 17-anyos at nakatira sa Baluarte, Pob A, M’lang.
Sa inisyal na report ng M’lang Disaster Risk Reduction Office (MDRRMO), patungo umano sa bayan ng Makilala ang biktima sakay sa kanyang XRM motorcycle nang masalpok ng isang Ford Ranger Raptor pickup na patungong Bagontapay, M’lang, dakong alas-4:00 ng hapon nitong Agosto 12, 2021.
Ayon sa ‘di nagpapakilalang saksi sa pangyayari, biglang nag-overtake umano ang kotse sa isa pang sasakyan na tila ‘di pansin ang kasalubong na motorsiklong minamaneho ng nasabing biktima sa kabilang lane ng kalsada.
Sa lakas ng impact, tumilapon ang biktima at nagtamo ng malubhang sugat sa ulo na dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.