Nang-agaw ng baril ng hepe
NABUA, Camarines Sur, Philippines — Bulagta ang isa sa dalawang suspek sa panghahalay at brutal na pagpatay sa 12-anyos na batang babae matapos mang-agaw umano ng baril ng mismong hepe ng police station kasunod ng kanyang pagsuko sa Poblacion-Diversion, Nabua ng lalawigang ito kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Ricky Balindan Abonete, 29-anyos, residente ng Brgy. San Antonio Ogbon.
Pinaghahanap naman ang kasama ni Abonete na itinuturo nitong may kagagawan sa karumal-dumal na krimen.
Sa ulat, dakong ala-1 ng hapon kamakalawa ay sumuko si Abonete makaraang matagpuan ang sinasabing chop-chop at naaagnas na katawan ng batang biktimang si Trixia Mae Samson, residente ng Brgy. San Antonio Ogbon sa madamong bahagi malapit sa kalsada ng Brgy. Bustrac.
Ang biktima ay unang iniulat na nawawala hanggang sa matagpuan ang kanyang bangkay at nawawala na ang isang kamay at binti nito na hinihinalang pinutol ng mga salarin.
Ayon sa pulisya, dakong alas-9:30 ng gabi habang iniimbestigahan ay nahalata ng mga pulis ang pabagu-bagong pahayag ng suspek at biglang sinunggaban ang nakasukbit na baril ng hepe na si Major John Divino Pelea kaya mabilis na binaril ito ng isa sa pulis na kanyang agarang ikinasawi.
Bago napatay ang suspek, sinabi umano nito sa mga pulis na ang kasama niya ang humalay sa bata. Pinatay umano ang biktima sa pamamagitan ng paghampas sa kanyang ulo, dibdib at braso gamit ang isang matigas na bagay.
Gayunman, pinabulaanan ng napatay na suspek na pinagputul-putol nila ang katawan ng biktima na posibleng nilapa umano ng aso ang kamay at binti nito.