Tuguegarao City isinailalim na sa ECQ
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Tuluyan ng ibinalik ang buong Tuguegarao City sa enhanced community quarantine (ECQ) mula sa general community quarantine (GCQ), simula ngayong araw matapos aprubahan ng Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) ang rekomendasyon ng pamahalaang panglungsod dahil sa pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19.
Ang lungsod ay sasailalim sa ECQ sa loob ng 10-araw simula alas-12:00 ng hatinggabi ng Agosto 12 hanggang Agosto 21.
Ayon kay Mayor Jefferson Soriano, ang rekomendasyon ay batay sa pagpupulong na ginanap ng mga opisyal ng lungsod kabilang na ang mga opisyal ng bawat barangay nitong Lunes, matapos ang biglang pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo at namamatay sa COVID-19.
Sinabi ni Soriano na umakyat sa 724 ang bilang ng active cases nang madagdagan ng panibagong 122 kaso nitong Martes.
Sa ilalim ng ECQ, suspendido ang lahat ng public transportation at social events habang ang religious gatherings ay isasagawa sa virtual na pagtitipon.
Hindi na rin pinapayagan ang operasyon ng mga restaurant maliban lamang kung ang mga ito ay online food delivery, habang ang mga talipapa lamang ang papayagang mag-operate.
Tanging 10% sa government workers ang pinapayagang pumasok at mahigpit ding ipapatupad ang 8 p.m. to 5 a.m. na curfew. — Artemio A. Dumlao
- Latest