BAGAC, Bataan, Philippines — Nasa 72 vintage bomb ang natagpuan ng mga residente sa magkahiwalay na bayan sa Abucay at Bagac ng lalawigang ito, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Unang natagpuan ang 56 na vintage sa isang taniman ng kamote sa isang bakanteng lote sa Barangay Parang sa Bagac habang 16 ang natagpuan naman sa isang ilog sa Barangay Capitangan sa Abucay.
Ayon sa barangay tanod na si Nelson Sanchez at mga residente na malapit sa ilog, nakita nila ang ilang mga nakausli at kinakalawang na mga bakal na dinadaanan ng agos ng tubig at ang iba ay nasa mga mabatong parte ng ilog kaya agad nilang ipinagbigay-alam sa kanilang barangay.
Agad namang nakipag-ugnayan ang barangay sa Bataan Provincial Explosive Ordinance and Canine Unit (PECU) Team na maagap na rumesponde at nakumpirmang 16 vintage bomb ang mga nakitang bakal sa ilog.
Samantala, ang 56 pang vintage bomb ay nahukay naman ng mga residente sa lote ng nasabing taniman ng kamote kaya inireport agad sa mga otoridad.