BALIWAG, Bulacan, Philippines - Sigurado nang aarangkada ang cityhood ng Baliwag matapos magpahayag ng suporta si Bulacan 2nd District Representative Gavini “Apol” Pancho sa pagpupulong na dinaluhan din ni Mayor Ferdie Estrella, at ilang miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kamakailan.
Dahil sa pagsang-ayon ng partido nina Estrella at Pancho, natuldukan na rin ang ispekulasyon patungkol sa posibleng paglalaban ng dalawa sa susunod na halalan.
Ayon kay Cong. Noel Villanueva ng Ikatlong Distrito ng Tarlac at Chairman ng House Committee on Local Government, ang komite na didinig sa kalunsuran, nakatakda ang makasaysayang pagdinig para sa cityhood ng Baliwag sa Agosto 25, 2021.
Ang pagkakasundo ng dalawang panig ay nagbibigay puwang upang amyendahan ang House Bill 7362 na may pamagat na “An act converting the municipality of Baliwag into a component city of the province of Bulacan to be known as Baliwag City, na naunang inihain nina Cong. Paolo Duterte at Cong. Eric Go Yap ng ACT CIS Partylist noong Agosto ng nakaraang taon.
Samantala, malaki ang naging partisipasyon ng negosyanteng si Bong Pineda ng Pampanga, Bulacan, 3rd District Congw. Lorna Silverio at Cong. Villanueva para pagkaisahin ang damdamin ng dalawang opisyal na taga-Baliwag, upang umusad na ang pagdinig at maipapasa ang batas para sa kalunsuran ng Baliwag.
Matatandaan na ang cityhood ng Baliwag ay isinulong ni Mayor Estrella matapos na makamit nito ang dalawa sa tatlong mahahalagang pamantayan, ang populasyon at kita.