Bulkang Mayon balik na sa normal — Phivolcs
MANILA, Philippines — Balik na sa normal ang kondisyon ng Bulkang Mayon sa Bicol makaraang maibaba ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang status ng bulkan sa level 0 (zero) o normal mula sa level 1 (abnormal).
Ayon sa Phivolcs, nagbalik na ang observational parameters sa baseline levels ng bulkan at wala nang magmatic eruption na posibleng maganap sa mga darating na araw.
Ilan sa mga parameters na ito ang pagbaba ng volcanic earthquakes na naitatala sa bulkan na may average na 0-5 kada araw sa nakalipas na anim na buwan.
Ang volcanic earthquakes ay dulot ng paggalaw o pagbuga ng magma mula sa bulkan, ang pagbaba ng frequency ng bulkan ay nagpapakita na nawala na ang rock-fracturing sa volcanic edifice na may magmatic o hydrothermal activity.
Bumaba na rin ang pagluwa ng supre ng Bulkang Mayon na mababa sa baseline level na 500 tonelada kada araw mula July 14 at wala ring plume na naitala sa bulkan. Ang plume emission mula sa crater ng bulkan ay mahina hanggang sa katamtaman ngayong taon.
Sa kabila nito, patuloy na pinagbabawalan ang publiko na pumasok sa 6-kilometer permanent danger zone dahil sa banta ng rockfalls, avalanche, ash puff at steam-driven eruption sa summit area ng bulkan.
Pinapaalalahanan din ang mga residente na kahit normal na ulit ang bulkan ay ugaliin pa ring nagmasid sa paligid dahil sa banta ng lahar sakaling magkaroon ng malalakas na pag-ulan doon.
- Latest