^

Probinsiya

Pulis Albay na nakapatay sa 2 aktibista noong araw SONA ilalagay sa 'restrictive custody'

James Relativo - Philstar.com
Pulis Albay na nakapatay sa 2 aktibista noong araw SONA ilalagay sa 'restrictive custody'
Litrato ng protest art na tinatapos sana nina Jemar Palero, 22, at Marlon Naperi, 38, nang mangyari ang insidente, ika-26 ng Hulyo, 2021
Mula sa Facebook page ng Anakbayan Laguna

MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan na ang ilang pulis na sangkot sa pagkamatay ng dalawang aktibista sa rehiyon ng Bikol ilang oras bago nagsimula ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Lunes ng umaga nang mapatay ng mga pulis sina Jemar Palero at Marlon Naperi sa Guinobatan, Alabay habang nagspe-spray paint ng protest slogans para sa SONA ni Duterte, ayon sa Defend Bicol Stop The Attacks Network.

Ipinag-uutos na ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar ang imbestigasyon sa shooting incident na nangyari sa baranggay Lower Binogsacan.

"Upang maalis ang mga haka-haka at alegasyon tungkol sa pagkamatay ng dalawa umanong aktibista sa Albay, inatasan ko na ang Internal Affairs Service sa pamumuno ni Inspector General Alfegar Triambulo na tutukan at pabilisin ang isinasagawang imbestigasyon upang bigyan ng linaw kung ano ba talaga ang nangyari dito," ani Eleazar, Miyerkules, sa isang pahayag.

"Inatasan ko na din ang Director PRO5, Police Brig. Gen. Jonnel Estomo na ilagay under restrictive custody ang mga pulis na kasama sa pangyayaring ito habang isinasagawa ang imbestigasyon." 

Si 22-anyos si Palero at miyembro ng Organisasyon ng mga Magsasaka sa Albay (OMA) habang 38-anyos naman si Naperi, na miyembro naman ng human rights group na Albay People's Organization (APO).

Nanlaban o hindi armado?

Ayon sa official police report, "armado" raw ang dalawang aktibista at nagpaputok daw sa mga pulis, dahilan para "gumanti" ang pulisiya.

Gayunpaman, naninindigan ang Defend Bicol Stop The Attacks Network na unarmed ang dalawa nang pagbabarilin.

"The unarmed civilians are now being branded as 'nanlaban' by police forces, an old narrative of the police being used in tokhang operations... Dissent may take on many form, but to kill innocent unarmed civilians in the dead of the night for painting the people's call is purely fascist and brutal," ayon sa grupo.

Una nang lumabas sa social media ang larawan ng grafitti na tinatapos sana nina Palero at Naperi sa Banao bridge. "Duterte ibagsak" sana ang isinusulat nila, ngunit naputol dahil sa pagpapaputok ng mga pulis. Duguan din ang katapat nitong kalsada.

 

 

Nananawagan naman ngayon si Eleazar na hayaan muna ang imbestigasyon at pigilan muna ang paglulutang ng haka-haka hanggang matapos ang pinal na ulat at rekomendasyon sa insidente.

"Makakaasa ang ating mga kababayan ng patas at malalimang imbestigasyon tungkol sa kasong ito so in the meantime, hayaan nating umusad ang isinasagawang pagsisiyasat sa seryosong alegasyon tungkol dito," dagdag ng hepe ng PNP.

"Nananawagan din tayo sa mga nakasaksi o may nalalaman sa insidente na  makipagtulungan sa mga imbestigador para mabigyang-linaw ang kasong ito." — may mga ulat mula kay Franco Luna

ACTIVISM

ALBAY

GUILLERMO ELEAZAR

GUINOBATAN

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

SONA 2021

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with