DARAGA, Albay, Philippines — Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang 30-anyos na rider matapos magulungan ng kasalubong na 10- wheeler dump truck sa kahabaan ng Maharlika National Highway sa Purok-7, Brgy. Upper Sipi sa bayang ito kamakalawa ng hapon.
Nasawi noon din dahil sa matinding tinamong sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Niño Barrun Gigantone, binata at residente ng Brgy. Tula-Tula, Legazpi City.
Sumuko naman ang drayber ng nakasagasang truck na si Gerardo Claron Nacario, 59, residente ng Brgy.Binitayan, Daraga.
Sa ulat, ala-1:45 ng hapon binabagtas ng Honda motorcycle ng biktima ang kahabaan ng highway patungong Sorsogon nang mawalan ng kontrol sa palikong bahagi at sumemplang saka deretsong pumailalim ang rider sa ilalim ng kasalubong na Sinotruck dump truck (NGT-5465) na nagulungan at nakaladkad na naging dahilan ng agarang kamatayan.