3 nag-aalborotong bulkan, binabantayan – Phivolcs
MANILA, Philippines — Tatlong bulkan sa bansa na kinabibilangan ng Bulkang Taal, Mayon at Pinatubo ang patuloy sa pag-aalboroto kaya masusing binabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sinabi ng Phivolcs, nagbabanta pa rin sa pagputok ang mga Bulkang Taal sa Batangas at Bulkang Mayon sa Bicol samantalang makaraang manahimik noong taong 1996 ay muling nagpapakita ng mga aktibidad sa kasalukuyan ang Bulkang Pinatubo na nasa Pampanga, Tarlac at Zambales sa Central Luzon.
Dulot nito, pinagbabawalan ang sinuman na makalapit sa paligid ng tatlong nasabing bulkan. Bawal din na pumasok sa Taal Volcano island (TVI) dahil sa banta nang biglaang malakas na pagsabog, pyroclastic density currents o base surge, volcanic tsunami, ashfall at pag-ipon o pagbuga ng mga nakalalasong gas mula sa bunganga ng Bulkang Taal sa Batangas.
Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ang ng 36 vocanic earthquakes ang Taal volcano kabilang ang 13 tremors na nagtagal ng 1 hanggang 10 minuto at mahinang background tremor. Dalawa sa naitalang tremors ay nasa Intensity 1 sa Pira-piraso, TVI at kung saan ang una ay may kasabay na dagundong. Umaabot sa 3,780 tonelada ng asupre ang nailuluwa ng bulkan at ang pagsingaw ay may taas na 1,200 metro bago mapadpad sa silangan at hilagang silangan.
Nasa alert level 3 ang Taal volcano kaya walang makakapasok sa TVI at high-risk barangays ng Agoncillo at Laurel, bawal ang paglaot sa lawa ng Taal at paglipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan
Samantala, nakapagtala naman ang Bulkang Mayon sa Bicol ng katamtamang pagsingaw na gumagapang pababa at patungong pangkalahatang direksyon pahilaga. Ang bulkan ay nasa Alert level 1 ngayon.
Sa kasalukuyan, pinagbabawalan ang sinuman na makapasok sa loob ng anim na kilometrong (6 km) radius Permanent Danger Zone at sa paglipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkang Mayon dulot ng posibleng biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions, rockfall mula sa tuktok ng bulkan at pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan doon.
Makaraan naman ang pananahimik ng Bulkang Pinatubo sa Central Luzon mula noong 1996 ay nagpapakita ito ngayon ng mga aktibidad.
Sa nakalipas na 24 oras na monitoring sa Bulkang Pinatubo, nakakapagtala ito ng halos 9 na volcanic earthquakes sa isang araw at naoobserbahan sa bulkan, may dalawang linggo na. Noong nagdaang Lunes lamang ay nagtala ito ng apat na volcanic earthquakes.
Bunga nito, pinapayuhan ng Phivolcs ang publiko ng matinding pag-iingat at pag-iwas na pumasok sa Pinatubo Crater dulot ng posibleng volcanic earthquakes at pag-ipon o pagbuga ng mga nakalalasong gas mula sa bunganga ng bulkan.
- Latest