TINAMBAC, Camarines Sur, Philippines — Bulagta ang isang 26-anyos na kolektor ng lending company matapos pagbabarilin ng dalawang ‘di kilalang suspek at kinuha pa ang dalang perang koleksyon sa Zone-6, Brgy. Bolao Balite ng bayang ito kamakalawa ng umaga.
Agad nasawi makaraang mapuruhan ng punglo sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Reymark Sergio, may-asawa, collector ng Rean Ram Lending Corporation at residente ng Sitio Gogon, Brgy. Dugcal, Camaligan.
Sa ulat, dakong alas-10:45 ng umaga galing sa pangongolekta sa Brgy. Cawaynan lulan ng kanyang motorsiklo ang biktima at binabagtas ang highway patungong Tinambac Proper nang pagdating nito sa nasabing lugar ay biglang sumulpot ang dalawang gunmen at walang kaabog-abog na pinagbabaril ang biktima na agaran nitong ikinamatay.
Agad kinuha ng mga suspek ang dalang sling bag ng napaslang na biktima na may lamang pera saka sila tumakas.
Nakuha ng mga rumespondeng pulis sa lugar ang limang basyo ng bala ng kalibre 45 baril.