BAGUIO CITY, Philippines — Hiniling ni Mayor Benjamin Magalong kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar na suspindihin ang mga PNP trainings sa Baguio City matapos na lumobo ang bilang ng mga trainees na nagpopositibo sa COVID-19.
Sa kanyang mensahe kay Eleazar, sinabi ni Magalong na kanilang na-detect ang mga bagong (COVID) positives sa mga trainees kaya kailangang itigil muna aniya ang kanilang mga aktibidad sa lungsod.
Ipinunto ni Magalong ang mga dapat sundin sa umiiral na health protocols.
“It appears that our trainees are not compliant with the minimum public health standards,” diin ni Magalong.
Sa ulat ng City Epidemiology Surveillance Unit (CESU), lumalabas na nasa 26 pang police trainees ang nagpositibo sa virus mula Hunyo 28 hanggang Hulyo 11.
Nitong nakalipas na buwan, 104 cases ang naitala sa Cordillera Administrative Region Training Center (CARTC) na kabilang sa 197 regular officers mula sa rehiyon na sumailalim sa iba’t ibang leadership trainings sa nasabing center.
Ang hawaan ay nakontrol umano matapos na agad ipatupad ang testing, contact tracing, isolation at quarantine measures.