LUCENA CITY, Philippines — Anim katao kabilang ang isang mag-ama at mag-live in partner ang nalambat ng mga operatiba ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) at 403rd PNP Maritime Group matapos na magsagawa ng anti-drug operation sa dalawang barangay, dito sa lungsod kahapon.
Ayon Kay P/Lt. Romulo Albacea, hepe ng Lucena City Police, unang isinagawa ang buy-bust operation sa Purok Camia, Barangay 10 at naaresto ang mag-amang Rodolfo, 52, at Dee Jay Roxas, 25, kapwa napiit na sa kasong paglabag sa RA 9165. Nakuha buhat sa kanilang pag-iingat ang 1.30 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P26,500 at P500 marked money.
Alas-9:20 naman ng umaga nang masakote sa Barangay Ransohan ang mag-live in na sina Jaynard Avila, at Rizza Lagrazon. Nakumpiskahan sila ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 9.5 grams at nagkakahalaga ng P193,800.00 at marked money.
Nalambat naman ng dakong alas-9:35 sa nabanggit ding barangay ang magkumpareng Jonathan Jalla, 42, at Mario Aclan na nakumpiskahan ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P172,584.