1,200 magsasaka sa Quezon prov. nagkaroon ng extra income sa ‘Cacao’
MANILA, Philippines — Nasa 1,200 indibiduwal ang nagkaroon ng extra income dahil sa pagtatanim ng “cacao” na pangunahing raw material sa patok na Tangerine dark chocolate, tablea at chocolate yema ng Four K Kakao Farm sa lalawigan ng Quezon, ayon sa isang kongresista kahapon.
Sinabi ni Quezon 4th District Rep. Angelina “Helen” Tan, tinaguriang Reyna ng Tsokolate sa Luzon, na kanyang naging livelihood project ang “cacao farming” para sa kanyang constituents na nagsimula sa kanyang hilig sa tsokolate kung saan maganda naman sa kalusugan ang dark chocolates.
“Nagsimula ito sa aking passion sa tsokolate hanggang sa makakilala ako ng agriculturist na eksperto dito. Nakita ko ang malaking potensiyal ng cacao farming bilang alternatibong source of income para sa aking constituents,” ani Tan, chairperson ng House committee on health, na layuning makilala ang Quezon sa produksiyon ng cacao.
“Binibili ng Four K Kakao Farm ang mga ani ng ating cacao farmers para ating i-proseso.”
Idinagdag ni Tan ang patuloy na pagpapalawak ng taniman ng Four K Kakao Farm upang habulin ang lumalaking pangangailangan sa produksiyon ng raw material.
“Madalas lang daanan ng bagyo ang Quezon kaya naghahanap kami ng magagandang lugar para taniman ng mga puno ng cacao na tumutubo sa tropical countries katulad ng Pilipinas,” ayon kay Tan na nagsabing patok ang industriya ng pagtatanim ng cacao sa Davao at Bohol.
Ginagawa ang Tangerine dark chocolate, tablea at chocolate yema ng mga magsasaka ng cacao sa Quezon at mga kasapi ng Kakao Integrated Development for Livelihood and Transformation o KIDLAT, isang organisasyon ng marginalized farmers na inorganisa ni Tan.
Nitong nakalipas na Mayo 25-31, ibinida ang mga produkto ng cacao farmers sa taunang “Kalakal Quezon” ng Department of Trade and industry (DTI) na ginanap sa SM City Lucena, Mall Atrium upang palakasin din ang pagsasaka ng cacao sa Calabarzon, lalo na sa Quezon.
- Latest