CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga, Philippines — Kinasuhan na ang tatlong dayuhan na sangkot sa bawal na droga at ‘di lisensyadong baril sa Brgy. Duquit lungsod ng Mabalacat, kamakalawa.
Sa ulat buhat sa tanggapan ni Police Regional director P/Brig. Gen. Valeriano De Leon, kinilala na ang dinakip na dayuhan na sina Noah Omgba, Bidias Wanko at Essomba Mbarga, pawang African nationals at pansamantalang naninirahan sa Apt. 3-C 8892, Bagong Lipunan Street, Homesite, Brgy. Duquit. Sila ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 at RA 10591.
Sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Maria Angelica Paras Quiambao, executive judge ng Regional Trial Court-Branch 59 sa Angeles City, pinasok ng mga operatiba ang isang apartment sa nasabing barangay ngunit agad nakatunog at mabilis na tumakas sakay ng kulay beige na Hyundai Tucson (TOQ-865) ang isa sa mga suspek na si Enzo Omgba na may kasong paglabag sa R.A. 10591.
Nasamsam sa tatlo ang isang caliber .45 pistol, caliber .38 pistol, mga bala at magazine, 5 sachet ng hinihinalang shabu, 2 sachet ng marijuana, at 45 ecstasy tablet. Tinatayang nasa P250,000 umano halaga ng mga nakumpiskang kontrabando.