GENERAL NATIVIDAD, Nueva Ecija, Philippines — Isang dayo na tulak umano ng droga ang nasawi makaraang manlaban sa mga kagawad ng pulisya habang apat pa ang arestado sa magkakahiwalay na buy-bust operation, dito sa lalawigan at sa Cabanatuan City noong Martes ng gabi.
Kinilala ni P/Capt. Shariel Paulino, hepe ng pulisya rito, ang napatay na drug suspect na si Crisanto Hizon, nasa hustong gulang ng Barangay Bantug Norte, Cabanatuan City.
Nabatid na bandang alas-11:15 ng gabi, kunsaan matapos magpalitan ng umano’y shabu at P500 bill ‘marked money’ ay naghinala ang suspek na pulis ang kanyang ka-transaksyon na nauwi sa kanyang kamatayan.
Aabot umano sa 19- piraso ng plastic sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha sa suspek na si Hizon na may street value umano na P119,000.
Samantala, arestado ang apat ding tulak umano ng droga kabilang ang isang lola at dalawang anak nito sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Purok Champaca 1, Brgy. Dicarma, Cabanatuan City, noong Martes ng gabi.
Kinilala ni P/Barnard Danie Dasugo, hepe ng Cabanatuan City Police, ang apat na suspek na sina Mary Ann Jaictem, 33, dalaga; at mag-iinang sina Wilma dela Cruz, 60, Jay-R dela Cruz, 33, binata, maintenance crew, at Rudy dela Cruz, 24, binata, tricycle driver, pawang mga residente ng nasabing barangay.