Kagawad nilikida ng tandem

NORTH COTABATO, Philippines — Patay ang isang barangay kagawad matapos na barilin ng dalawang ‘di kilalang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo sa Purok 4, Barangay Bual Sur, Midsayap ng lalawigang ito nitong Martes.

Nakilala ang biktima na si Parocan Luntayan Dilangalen, 51-anyos, walang asawa at kagawad ng Barangay Bual Sur.

Sa report ni Midsayap Police Officer-in-Charge P/Lt. Col. Rolly Oranza, papauwi na ang biktima sakay ng kanyang motorsiklo nang pagsapit sa nabanggit na lugar ay dinikitan ng riding-in-tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre 45 na pistol, pasado alas-5:00 ng hapon.

Tinamaan ang biktima ng bala sa dibdib at naisugod pa sa pagamutan ngunit binawian din ng buhay.

Matapos isakatuparan ang krimen, kaagad tumakas ang mga suspek sakay ng kulay itim na Bajaj motorcycle na walang plaka.

Sinisiyasat na ng pulisya ang motibo sa krimen na posibleng sanhi ng away sa lupain.

Show comments