KORONADAL CITY, Philippines — Isang sanggol ang natagpuan habang nakasilid sa isang bag na isinabit pa sa gate ng isang bahay sa Purok Aquino, Barangay San Miguel, Norala, South Cotabato kahapon ng umaga.
Ayon kay Mary Kris Aquino-dela Cruz, residente sa lugar, nakita ang buhay na sanggol pasado alas-5:30 ng umaga ng isa sa kanilang mga tauhan na si Ricky Dequina matapos na marinig ang pag-iyak nito. Kinuha niya umano ang bag at binuksan at doon na niya nakita ang sanggol na lalaki na umiiyak.
Dinala agad sa Rural Health Unit (RHU) upang matingnan ang kalagayan ng baby at doon nalaman na putol na ang umbilical cord nito kaya’t posibleng 3-araw na itong naipanganak.
Naniniwala ang mga nakakita na plano talaga ng ina o sinumang nag-iwan ng sanggol na ipaampon ito dahil siniguro naman nito na makakahinga sa loob ng bag ang beybi at nabihisan naman ng maayos.
Sa katunayan may naka-ipit pa umano na bawang sa bata na palatandaan na ayaw din niya itong mapasama.
Nasa pangangalaga na ng Dept. of Social Welfare and Development (DSWD)-Region 12 ang naturang sanggol.