10-kilong marijuana nasabat sa Isabela, 4 arestado

Ayon kay Philippine National Police chief Gen. Guillermo Eleazar, nagkakahalaga ng ?1.2-mil­yon ang mga marijuana na nakuha sa mga suspek na sina Jerwin Lipalam, 24; Jayson Pallares Tresmil, 24; Alvin Lampag Guiab, 20; at isang binatilyo na itinago sa pangalang Marco,17-anyos.
The STAR/Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Nasa 10 kilo ng marijuana ang nasabat ng pulisya matapos na maharang at maaresto ang apat na hinihinalang tulak na ipinagbabawal na droga lulan ng isang kotse sa Brgy. Alunan, Quezon, Isabela kamakalawa ng hapon.

Ayon kay Philippine National Police chief Gen. Guillermo Eleazar, nagkakahalaga ng ?1.2-mil­yon ang mga marijuana na nakuha sa mga suspek na sina Jerwin Lipalam, 24; Jayson Pallares Tresmil, 24; Alvin Lampag Guiab, 20; at isang binatilyo na itinago sa pangalang Marco,17-anyos.

Nakatanggap ng impormasyon ang Rizal Municipal Police Station (MPS), Kalinga Provincial Police Office (PPO), na isang grey na Toyota Vios na may plakang NDE 9548 ang daraan sa naturang lugar at may kargang pinatuyong dahon ng marijuana mula sa Tabuk City, Kalinga.

Tinangkang harangin ng mga operatiba ng Rizal Police Station ang naturang sasakyan sa quarantine control point pero humarurot ng takbo patungong Abbut, ­Quezon, Isabela.

Bunsod nito, nagsagawa ng hot pursuit ­operation dakong alas-2:10 ng hapon laban sa mga suspek ng pinagsanib na puwersa ng Kalinga PPO, Isabela PPO, Regional Mobile Force Battalion PRO2, at 1503RD PRO-Cordillera, hanggang sa na-intercept sila sa Brgy. Alunan, Quezon, Isabela.

Nakuha sa mga suspek ang isang cal. 38 revolver; limang bala ng cal. 38; isang cellphone; Sagada bag at sling bag. - Victor Martin, Artemio A. Dumlao

Show comments