Van vs 16-wheeler: 2 patay, 5 kritikal
LIGAO CITY, Albay, Philippines — Dalawa katao ang dead-on-the-spot habang tatlo sa limang nasugatan ang kritikal matapos na mabangga ang kanilang sinasakyan ng rumaragasang 16-wheeler truck sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Sta. Cruz ng lungsod na ito kamakalawa ng madaling araw.
Patay agad dahil sa matinding mga sugat na tinamo sa aksidente ang mga biktimang sina Sharon Delos Santos Tangangorang, 44-anyos,residente ng Sitio Matagpo, San Nicolas at Rosalinda David Barrientos, 74-anyos,residente ng Victoria,lahat sa Northern Samar.
Kritikal na isinugod sa Josefina Belmonte Duran Memorial District Hospital ang kapwa mga pasahero na sina Jerah Reyes Gamilong, 25; Mark Jave Jepollo Barrientos, 24; Pejie Caro Tan, 34; lahat residente ng Victoria, Northern Samar.
Bahagyang sugat naman ang tinamo ng driver na si Arwin Yago Bernadas, 34, ng Batasan Hills, Quezon City at isang 15-anyos na dalagita na taga-Cainta, Rizal.
Sa ulat, alas-3:30 ng madaling araw, mabilis na binabagtas ang kahabaan ng highway ng Howo Tipper truck (UQK-332) na minamaneho ni Bryan Baranquel Llovit, 32, residente ng Brgy.54 Mabinit, Legazpi City patungong bayan ng Oas.
Gayunman, pagdating sa bahagi ng crossing ay biglang tumawid ang puting Nissan Urvan van (NFX-8585) na minamaneho ni Bernadas dahilan para salpukin sila ng truck.
Sa lakas ng pagkakabangga, patay agad ang dalawang biktima habang mabilis na isinugod ng mga rumespondeng tauhan ng CDRRMO-Ligao City ang lahat ng malubhang mga nasugatan sa pagamutan.
- Latest