Notoryus na ‘tulak’ timbog sa Bulacan
SAN RAFAEL, Bulacan, Philippines — Naaresto ng mga kagawad ng San Rafael Police ang isa sa sinasabing notoryus na tulak ng ilegal na droga at nasamsaman ng nasa P.3 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Caingin ng bayang ito, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Lt.Col. Fersinand Germino, hepe ng San Rafael police ang naarestong suspek na si Jonathan Termulo, 32-anyos ng Brgy. Bahna, Malolos City, Bulacan.
Sa imbestigasyon, alas 4:30 ng hapon nang maglatag ng drug bust operation ang mga otoridad laban sa suspek matapos na makatanggap ng impormasyon na may dayo na nagtutulak ng iligal na droga.
Hindi na nakapalag ang suspek nang makorner ng mga pulis at nakumpiska dito ang 52 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P370,000.00.
Napag-alaman pa na ang suspek ay dati nang nakulong sa Bulacan Provincial Jail sa kasong pagbebenta ng ilegal na droga at kabilang High Value Individual (HVI).
- Latest