MANILA, Philippines — Isang S-70i Black Hawk utility helicopter na nagsasagawa ng night flight training exercise ang bumagsak sa Capas, Tarlac na ikinasawi ng anim na katao kamakalawa ng gabi.
Ayon sa Phillippine Air Force (PAF), pabalik na sana ang helicopter na naka-deploy sa 205th tactical wing sa Clark Airbase sa Pampanga nang maganap ang insidente.
Ayon kay Colonel Ernesto Rabina na nakabase sa Airbase ng Tarlac na ang bagong biling chopper ay nagsasagawa ng night flight training exercise nang maganap ang aksidente.
Ayon sa ipinadalang official statement ng PAF na ibinigay sa Northern Luzon Command, naiulat na ang helicopter ay hindi nakarating sa takdang oras sa kanyang station Clark Air Base, Pampanga.
Anila, ang night flight training ay sadyang delikado, pero kailangang pagsanayan ng mga piloto.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Defense Secretary Delfin Lorenzana, sa pamilya ng tatlong nasawing piloto at tatlong airmen na hindi muna pinangalanan.
Hindi muna ipapagamit ang lahat ng Blackhawk chopper habang isinasagawa ang imbestigasyon.