CONNER, Apayao, Philippines – Isang fiscal ang nasawi nang ito ay pagbabarilin ng riding-in-tandem suspects malapit sa kanyang bahay sa lalawigang ito.
Ang biktima na idineklarang dead on arrival ay nakilalang si Fiscal Victor Begtang Jr, 49, residente ng Sitio Hanhan, Barangay Malama, Conner, Apayao at nakatalaga bilang Deputy Ilagan City Prosecutor.
Sa ulat, alas-2:20 ng hapon ay kasalukuyang kinukumpuni ng biktima ang kanyang sasakyan sa loob ng kanilang compound nang lapitan ng dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo at walang kaabug-abog na pinagbabaril.
Mabilis na tumakas ang mga suspek na nakasuot ng bonnet habang ang biktima ay isinugod sa Conner District Hospital ngunit binawian din ng kanyang buhay dahil sa apat na tama ng bala sa katawan.
Ayon sa mga saksi na nakita nila na tumambay ang dalawang suspek sa isang tindahan malapit sa bahay ng biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso upang malaman ang motibo ng pamamaslang. — Victor Martin