DASMARIÑAS CITY, Cavite, Philippines — Naging viral sa social media ang pagiging bayani ng 2 pulis na lalaki matapos na tulungan nila ang isang buntis na dadalhin sana sa hospital, subalit inabot nang panganganak sa kanilang mobile car, kamakalawa ng hapon sa Brgy. Salawag ng lungsod.
Hindi pinanghinaan ng loob ay nagtulong sina PSSgts. Garry Gazzingan at Nelson Incognito na kapwa miyembro ng Mobile Patrol Unit, Cavite PPO na paanakin ang buntis na si Kristina Mendon, 32.
Bago ito ay kasalukuyang nagpapatrol sina Gazzingan at Incognito sakay ng MPU mobile car 0929, alas-5:00 ng hapon sa Salawag nang madaanan nila si Mendon kasama ang ilang kamag-anak na naghihintay ng masasakyan para magpunta ng ospital.
Isinakay ng dalawang pulis si Mendon at habang bumabaybay patungo ng ospital ay hindi na nito nakayanan at sinabing manganganak na talaga siya kaya’t itinabi ang mobile car at dito na nila ito pinagtulungang paanakin ng dalawang pulis at makalipas ang ilang minuto ay matagumpay na nailabas ng ligtas ang sanggol.
Binalot ang sanggol at muling pinatakbo ang mobile at idiniretso sa pinakamalapit na pagamutan.
Sa kasalukuyan ay kapwa ligtas ang mag-ina.